Isang Bagay na natuklasan sa Daanan…

527,040 na minuto na akong naglalakbay simula nang makalabas ng unibersidad. Makikita sa ilalim ang ilang detalye kung saan napunta ang nasabing minuto.

129,600 na minuto ang nilaan sa paghahanda sa pagsusulit para maging manggugubat. May kasama na itong pahingan, kalokohan, paggala, pagkain, dugo at tulog. Naging handa nga ba ako?

172,800 na minuto jan mayroon ako ng bagay na tinatawag nating trabaho. masyadong kakaunti kompara sa iba. Natuto ba ako? Sa minutong yang 1/4 ay nalaan sa trabaho sa metro manila, kung saan ako ay naging driver, supervisor, technician, photographer at clerk. At ang 3/4 naman ay sa kabiculan napunta.

2,880 na minuto ang nagamit sa pagbabantay sa ospital.

300 na minuto ang nagamit sa isang inuman sa bahay ng brod ko sa minamahal na organisasyon sa unibersidad, kasama ang isa pang brod at tatlong naggagandahang sis.

360 na minuto sa panonood ng pagtatapos ng mga estudyante sa taong ito sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños.

350,880 na minuto ang nagamit sa pag-iisip, pagtulong sa bahay, pagpunta sa di na mabilang na job interview, at pagpasa ng CV sa di na din mabilang na employer at organization. Isama pa natin ang departamento ng gobyerno na hanggang ngayon ay ayaw pa ding tumanggap ng empleyado. Ang nasabing minutong ay nagamit sa pagtambay sa bahay, pagtulog habang nakangiti si Sunny, hindi pagtulog pag bilog ang buwan, paggamit ng celphone para sa tawag at text, pagbababad sa kompyuter, pagpunta sa ilang lugar ng walang magandang dahilan, pag-ayaw sa miyembro ng pamilya dahil sa mababaw na dahilan, pagiging depressed, as in todo down, pangangarap sa bagay na hindi pala mangyayari kung hindi ka gagalaw, sa pag-iisip ng gustong mangyari sa buhay na hindi din malaman sa huli, sa pagnanais na mapublish ang likha sa YoungBlood ng PDI na hindi mangyayari kasi hindi naman pala ako nagpasa, sa pagbitaw sa ilang tao dahil sa di malaman na dahilan (masama lang siguro talaga akong tao),  pagiging bestman sa kasal ng kuya ko, pag-aayos ng mga dokumento para sa passaporte isama mo na ang pagtatanong sa pagkuha ng Visa, at marami pang iba. Mahina na talaga siguro ang memorya ko

51,840 na minuto ang nagamit ko sa paghahanda sa isang bagay na sa tingin ko at kailangan at gustong gusto ko, at eto ang mag-aral.  At sa oras na to patuloy ang pagtakbo ng oras na nakalaan dito.

At sa huli, isa lang talaga ang natutunan ko. Isang bagay na alam na ng lahat ngunit paminsan ay hindi napapansin, siguro dahil wala din naman tayong magagawa sa bagay na to. Isang bagay na di kayang hulihin sa kanyang pagtakbo. Bagay na di natin naibabalik pagnawala na, ay swerte ka pag buhay pa din ang pangalan mo sa tagal nito. Isang bagay lang talaga ang natutunan ko sa naglipat na mga minuto at ito ay “MABILIS ANG PANAHON”. Sabihin mo nang mababaw ako o magulo, pero ngayon ko lang talaga ulit ito natuklasan. Samantalang dati ay wala tong halaga, “Bata pa naman ako, madami pang oras”. Sana masabi ko ulit ito. Sabi nila “Time flies fast when your having fun.” Pero bakit ganun, di naman ako nasisiyahan sa oras ngayon.

Oo nga pala 120 na minuto ang nagamit ko sa paggawa lang nito.  Ngayong araw ng Mayo 6, taong 2009. Natapos ako ng 1746, base sa celphone kong UP time.