Sa pagkakataong ito magiging “emo” muna ako… well, ok lang naman siguro kasi wala namang nagbabasa nit (start na ng emo mode). Ang bigat sa pakiramdam, lahat ng bagay ay biglang gumuho, biglang nawala ang masama nito sa loob lang ng isang linggo pa ito nangyari.

Tatlong buwan ang nasayang para sa pangarap.. Postponed muna ang tinatawag ko dito, pero sa totoo pakiramdam ko hindi na ito matutupad. Ang dami ko ding isinuko para dito, para sa pag-aaral sana ulit. Masyado ba akong nagmamadali? Ewan ko.

Kung titingnan ang dami pa ng pagkakataon para mag-aral, ngunit hindi na ko makapaghihintay. “Kung hindi ngayon ay hindi na”, yan ang nakatatak sa isip ko. Hindi ko malilimutan ang araw ng Hunyo 2, 2009. Ang masama pa nito, noong araw ng linggo Mayo 31, 2009, naging malungkot din ang araw ko. Isang pagbitiw para sa tinatawag na pamilya.

Hindi ko na kilala ang sarili ko. Ang hirap  talaga pag masyado tayong nagpapaapekto sa mga tao sa paligid, ang hirap iwasan ng mga mapanghusgang mga mata, mga isipang ang hirap kausapin (Isama mo na ako sa listahan).

Nitong nagdaang Hunyo 1, dumating ang tawag ukol sa isang trabaho (na dalawang buwan nang hinintay). Ang hirap ng katayuan ko, bakit parang lagi nalang ako. Ang gulo nila, at magulo din ako. Nang makarating ang balitang to sa dalawang tao ay kinulit nila ako na puntahan at tanggapin ngunit di agad ako nakasagot. sa huli pinalampas ko ang araw ng walng ginawa kung hindi ang mag-isip. Nang dumating ang Marso ay nagsabi na ako na balak kong mag-aral muna ulit, kahit isang semestre lang (pumayag naman sila). Sa loob ng tatlong buwannakatutok lang ako sa bagay na to. At habang nag-aayos bawat punta ko sa unibersidad lagi nalang nagkakaroon ng problema ang mga papeles ko (na hindi ko naman talaga kasalanan). Sa loob ng isang linggo dalawa hanggang tatlong beses akong nagbabalikan sa laguna. At sa panahong yon madalas ang tanong at usapan ukol sa trabaho, ukol sa pera. Putek talaga. Noong mga panahon ito isang bagay lang ang nasa isip ko, at yun ay ang sarili ko.

Bakit ko ba gustong mag-aral? Noong estudyante pa ang dami kong di nagawa, ang dami kong gusto pang balikan, gawin, subukan at malaman. At isa pang dahilan, di ako masaya sa tinapos ko. Ang hirap talaga pag walang kang paki alam sa umpisa. Akala ko puwede kong ipagsiksikan ang sarili ko sa bagay na di naman talaga para sa akin. Ngayon lalo pang lumaki ang pagkasabik ko na pag-aralan ang takbo ng isip ng tao.

Ngayon kung iisipin ko, ang pag-aaral ng Masteral ang unang bagay na sa tingin ko ay ginusto ko. Hindi tulad nang una. Sa mga panahon ito, pakiramdam ko ang galing ko. Pakiramdam ko hawak ko na ang takbo ng buhay ko. May direksyon na ako at determinado. Ang lakas pa ng loob kong ibalita ito sa iba pag may pagkakataon. At sa kabila ng mga naging problema di ako sumuko para sa sarili ko, para sa isang bagay na ninais ko.

Pero lahat ito ay gumuho, ewan ko ba kung bakit bigla kong ipinusta ang tatlong buwan na yun. At sa huli talo ako, ang laki ng natalo sa akin. Paalam pangarap, paalam mga masasaya sanang alaala, paalam sa kalayaan, paalam sa muling pagbangon, paalam sa pagiging buo. Ang hirap pala, nung araw ng Hunyo 2, di ko naiisip ang bagay na to. Siguro dahil pamilya ang laman ng isip ko nangoras na yun. Bilang ikalawang anak, ako na ang isa sa kanilang aasahan (dahil ang panganay namin ay may sarili nang pamilyang kailangang alagaan). Nakakaasar, bakit bigla nalang akong naging makaluma sa oras na yun. Bakit biglang nagkalamat ang mala-bato kong determinasyon. Enrollment nalang ang kulang. Kung iisip di naman nila sinabi na magtrabaho muna ako at saka na mag-aral, supportive pa nga sila kung minsan. Ngunit sa kabila ng mga suporta nila mas maramdaman ko ang pangangailangan. Ang hirap pag madalas mong naririnig ang mga hinaing nila, ang kalungkutan nila, ang hirap pag pati kapatid mo ay sinisisi pa paminsan sa kalagayan ng pamilya.  Ang hirap mabuhay.

Madalas sasabihin ng nakararami, hawak mo ang buhay mo. May mangyayari kung gagalaw ka.  Pero ang problema di ko pa din matanggap ang ilang mga bagay. Pakiramdam ko nasayang lang ang buhay ko sa loob ng mga nagdaang panahon at taon. Sa huli ako lang din naman ang problema. Ang hirap pag di mo alam ang gusto mo, at mas mahirap pag nalaman mo to ngunit di ko makuha.

Sa ngayon di ko pa nakukuha ang kapalit ng pagbitiw sa isa sa pangarap ko, ang masama pa nito baka wala pa akong makuha. Hindi ko pa talaga naiintidihan ang mga bagay bagay. Paminsan lumulutang ang tanong, “para nga ba sa pamilya ang ginawa ko o para lang ba ito sa sarili ko?”. Sa huli nawalan na din ako ng paki alam sa sasabihin ng mga tao, sa reaction nila o komento. Masama akong tao. Putek talaga, PUTEK! Naiinis ako sa sarili ko, ang hina ko, bakit bigla nalang akong bumigay at bumitiw sa isa sa pangarap ko.!

Sa huli mamamatay din naman ako. At isa pang masakit na bagay ay nang nalaman nila ang ginawa ko parang biglang nagbago ang hangin. Tipong sayang daw, bakit hindi ko pa tinuloy ang pag eenroll. SAna sinabi nila to bago ako umalis nang umagang yon. Sana sinabi nila na ok lang na mag-aral ka muna, no joke. Sana nakita ko na masaya sila dahil gusto ko ang gagawin ko. pero hindi, wala akong nakitang ganito.Biglang nagkapuso ang bato. Bigla ko silang naisip sa huli at nakalimutan ang sarili!